Budget ng CHR, ginawang P1,000 lang ng Kamara para sa 2018

Sa botong 119-32, inaprubahan ng Kamara de Representantes nitong Martes ang mosyon ng isang kongresista na gawing P1,000 lang ang pondo ng Commission on Human Rights (CHR) para sa taong 2018.



Si 1-SAGIP party-list Representative  Rodante Marcoleta ang naghain ng mosyon na ibaba sa P1,000 ang mungkahing P678 milyon na pondo ng CHR sa susunod na taon.

Sa pagtalakay sa plenaryo sa pondo ng CHR, iginiit ni Marcoleta na dapat iniimbestigahan ng CHR ang lahat ng mga paglabag sa karapatang pantao, anumang grupo ang sangkot.

"You are supposed to investigate all human rights violations irrespective of any group, any location whether they are soldiers, policemen, NPA, members of the Maute group," sabi ni Marcoleta.

"There shouldn't be a selective application. You can condemn but that is not the function of the CHR," dagdag niya.

Ipinagtanggol naman ni Cebu City Rep. Raul Del Mar, sponsor ng budget ng CHR, ang pondo ng ahensiya at ipinaliwanag na ang pagkondena sa mga paglabag sa karapatang pantao ay bahagi ng  kanilang pagkilos upang siyasatin ang mga pang-aabuso.

"They don't only condemn these human rights violations. Condemning is part of their action in investigating human rights violations whether by state authorities or non-state authorities," ayon kay Del Mar.

Pero kinuwestiyon ni Marcoleta ang batas na ginawang basehan sa paglikha ng CHR.

Idiniin niya na ang Executive Order (EO) 163, na naging implementing
law sa paglikha ng ahensiya ay inisyu noong Mayo 5, 1987, panahon na saan ipinagtibay na ang 1987 Constitution, at wala na sa kamay ng noo'y nakaupong si dating Pangulong Corazon Aquino ang kapangyarihan sa lehislatura.

"EO 163, which was issued on May 5, 1987 is invalid because at that time, Mrs. Cory Aquino, the president of the Philippines has already lost her legislative powers," ayon kay Marcoleta.

"Mr. Speaker, how can we appropriate budget to an agency which has not been validly created? I move that we assign only a P1,000 budget for the CHR," mungkahi ng mambabatas.



IBA ANG COMMON CRIMES

Pero sinalungat nina Del Mar, at Buhay party-list Rep. Lito Atienza at Albay Rep. Edcel Lagman ang mosyon ni Marcoleta.

Paalala ni Atienza, mawawalang direksyon ang bansa kapag nabuwag ang CHR dahil sa P1,000 budget.

Sa halip na bawasan, sinabi ni Atienza na dapat gawing P2 bilyon ang pondo ng CHR.

Pinuna naman ni Lagman ang paliwanag ni Marcoleta tungkol sa tungkulin ng CHR. Anang kongresista ng Albay, nabigong tukuyin ng party-list lawmaker ang pagkakaiba ng karaniwang mga krimen sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao.

"A human rights violation is an offense committed by the state or agents by the state, not state parties like rebels, terrorists. When they commit crimes, they are sanctionable over the Revised Penal Code," paliwanag ni Lagman.

"The CHR has no jurisdiction over common crimes," dagdag niya.

Ayon pa kay Lagman, ang pagbibigay ng P1,000 budget sa CHR ay "embarrassing and unconstitutional."

"It is the height of irony or fantasy for us to automatically release a minuscule and embarrassing budget of P1,000," patuloy ng Bicolano solon.

Matapos nito, bumoto si Pampanga Rep. Juan Pablo Bondoc sa mosyon ni Marcoleta sa pamamagitan ng viva voce, na ang mga kongresistang sisigaw ng "aye" ay pabor sa mosyon ni Marcoleta, at "nay" kung hindi.

Ngunit hiniling ni Presiding Speaker Eric Singson sa mga miyembro na bumoto sa pamamagitan ng pagtayo para matukoy ang tunay na resulta sa pamamagitan ng viva voce voting.






Idineklara ni Singson panalo ang mosyon ni Marcoleta matapos tumayo ang 119 na miyembro.

Pangatlo ang CHR sa ahensiyang nakatanggap ng P1,000 budget mula sa Kamara. Kasama rito ang Energy Regulatory Commission at ang National Commission on Indigenous Peoples. -- Edwin Colcol/Jamil Santos/FRJ, GMA News

Comments